Bakbakan na!

Sina jiu jitsu fighter Jenna Kaila Napolis at PSC chairman Richard Bachmann.

Frayna, Mendoza tiyak na sa silver

MANILA, Philippines — Dalawang gintong medalya ang tiyak nang idadagdag ng mga obstacle racers para sa kampanya ng Team Philippines sa 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia.

Naplantsa ang isang All-Pinoy finals sa men’s at women’s individual 100m event ng obstacle racing competition na magsisimula ngayong alas-8 ng umaga sa Chroy Changvar Convention Center Car Park.

Bago ang pagbubukas kahapon ng Cambodia SEA Games ay nagposte na ang Pilipinas ng dalawang gold, dalawang silver at tatlong bronze medals habang humakot ang host country ng 5 golds at 4 silvers.

Lalabanan ni Kevin Pascua, nagwagi sa men’s class ng inaugural sta­ging ng event noong 2019 Manila SEA Games, ang kababayang si Mark Julius Rodelas at magtutuos sina Precious Cabuya at Kaizen dela Serna sa women’s category.

Sa chess, popormalisahin nina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna at Woman International Master Shania Mae Mendoza ang pagkopo sa silver medal ng ouk chaktrang-Cambodian chess women’s doubles 60-minute.

Sigurado na ang Pinay duo ng runner-up finish sa kanilang 4.0 points sa ilalim ng Vietnam (5.0) kasunod ang Myanmar (3.0).

Samantala, sasalang    din sa aksyon ang mga pambato ng Team Philippines sa athletics, swimming, 3x3 basketball, boxing, cycling, e-sports, artistic gymnastics, karate, vovinam, pencak silat, pétanque, sepak takraw, soft tennis, tennis, aquathlon at sa demonstration sport na teqball.

Sisimulan ng mga Gilas Pilipinas 3x3 teams ang kanilang kampanya sa Morodok Tecno National Stadium Elephant Hall 2.

Lalabanan ng men’s team ang Laos, Vietnam at ang Indonesia at makaka­tapat ng women’s squad ang Vietnam, Laos at Thailand.

Sa athletics, pupuntir­yahin nina Christine Hallasgo, Ruffa Sorongon, Richard Salano at Arlan Arbois ang gold sa marathon event sa Sim Reap City.

Matapos magreyna noong 2019 Manila SEA Games ay nakuntento si Hallasgo sa silver medal noong 2022 edition sa Vietnam.

Sa cycling, pamumunuan nina Shagne Yaoyao at Edhmel John Rivera Flores ang pagpadyak sa women’s at men’s cross country Olympic event ng mountain bike.

 

Show comments