Pinas may ginto na
Hatid nina Napolis at Derla
MANILA, Philippines — Hindi akalain ni Pinay jiu jitsu fighter Jenna Kaila Napolis na mababawian niya si Asian Games champion Jessa Khan ng Cambodia.
Nagawa ito ni Napolis matapos talunin si Khan, 2-0, sa finals ng women’s ne-waza GI 52 kgs para ibulsa ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa 32nd Southeast Asian Games kahapon sa Chroy Changvar Convention Center sa Cambodia.
“Sobrang saya ko na nabawian ko na siya. Akala ko kasi hindi na ako makakabawi,” ani Napolis kay Khan na tumalo sa kanya sa finals ng parehong dibisyon noong 2019 SEAG edition sa Manila.
Winalis ni Napolis ang apat niyang laban kabilang ang final match kay Khan, ang 2018 Asian Games gold medalist, para angkinin ang gold medal.
Sinimulan ng 22-anyos na Pinay fighter ang kanyang kampanya mula sa 50-0 pagdaig kay May Yong The ng Singapore kasunod ang mga panalo kina Nuchanat Singchalad, 3-0, ng Thailand at Thi Huyen Dang, 50-0, ng Vietnam.
Nag-ambag naman ng dalawang bronze medal sina Karl at Harvey Navarro at Dianne Ruado Bargo at Isabela Dominique Montaña sa kanilang mga events.
Yumuko sina Navarro kina Thais Nawin Kokaew at Panuawat Deeyatam, 68-63.5, kina Cambodians Kongmona Mithora at Touch Pikada, 66-59, at kina Vietnamese Dinh Khai Ma at Ke Duong Trinh, 64-59.
Inangkin ni Angel Gwen Derla ang ikalawang ginto ng bansa nang magreyna ito sa Cambodian martial arts ng kun bokator.
Umiskor si Derla ng 8.50 para talunin ang home bet na si Chanchhorvy Puth (8.47) para makuha ang ginto sa isa sa mga katutubong sports na ipinakilala ng mga organizer ng Cambodia sa kanilang pagho-host ng SEA Games.
- Latest