MANILA, Philippines — Isa ang La Trouppei sa mga nagsaad ng pagsali sa 1st Leg ng Triple Crown Stakes Race na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas sa Mayo 14.
Paniguradong markado ang La Trouppei ng mga karerista dahil sa ipinakitang husay nito sa kanyang huling tinakbuhang karera.
Bukod sa La Trouppei nasa listahan din sa mga nominadong sasali ay ang Easy Does It, Gintong Hari, Going East, Istulen Ola, Jaguar at Tell Bell, may distansya itong 1,600 meter race.
Inaasahang paghahandaan ng todo ang nasabing karera dahil nakalaan ang guaranteed prize na P3.5M na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Nasilayan ng mga karerista ang galing ng La Trouppei ng manalo ito sa “Road to Triple Crown Stakes Race” kung saan isa sa tinalo niya ay ang Jaguar.
Pero ayon sa mga karerista, tiyak na mas mainit ang labanan sa 1st leg kaya posibleng may makasilat na iba.