Ajido 4 ginto ang pinalubog sa COPA swimfest

Jamesray Mishael Ajido
Photo release

MANILA, Philippines — Sinandalan ng Team Ilustre East Aquatic si National junior record holder sa boys 13-under Jamesray Mishael Ajido upang sungkitin ang overall championship sa Congress of Philippine Aquatics, Inc. (COPA) Golden Goggle 3rd at 4th leg na ginanap sa Teofilo Yldefonso swimming pool sa loob ng RMSC sa Malate, Manila, kahapon.

Apat na ginto ang sinilo ni Ajido para idagdag sa kabuuang 30 gold medal na inuwi ng Team Ilustre.

Nasa 17 ginto ang nasikwat ng Team Ilustre sa BiFin event, tatlo ay galing kay Ajido.

Nakapagtala ng 4,682 points sa tournament ang Team Ilustre sa event na suportado ng Speedo, Phi­lippine Sports Commission (PSC) at MILO.

Inungusan ng 14-anyos na si Ajido ang kanyang mga kalaban sa BiFin 100 free sa naitalang 52.27 segundo gayundin sa 200 free (1:56.15) at 50 free (22.80).

Nakopo naman ni Gra­de 7 student mula sa Montessori Integrated School-Antipolo ang kanyang ikaapat na ginto sa classic (regular) swimming event sa boys 100m backstroke sa oras na 1:02.47.

“Yung purpose namin to include BiFin events is to expose the discipline sa ating mga batang swimmers at sa kanilang mga magulang. Hindi naman kami nagkami dahil marami yung sumali and a­ctually mas mabilis yung time nila rather than sa classic swimming.” pahayag ni tournament director Chito Rivera.

Show comments