MANILA, Philippines — Napamangha ng Arellano University (AU) ang mga fans at mga hurado para angkinin ang kampeonato sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) Season 98 Cheerleading Competition kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Inilabas ng Chief Squad ang galing at husay nito para makalikom ng 245.5 at maitarak ang four-peat at ikalimang kampeonato ng kanilang tropa sa kabuuan.
Pinataob ng Arellano ang University of Perpetual Help System Dalta na nagrehistro ng 227.5 puntos para magkasya sa ikalawang puwesto habang pumangatlo naman ang Colegio de San Juan de Letran na nakakuha naman ng 215.5 puntos.
Naibulsa ng Arellano Chief Squad ang P100,000 premyo habang napasakamay ng Perpetual Help Altas Perp Squad ang P75,000 runner-up purse.
Nagkasya naman ang Letran Cheering Squad sa P50,000 konsolasyon.
Nasa ikaapat na puwesto ang Mapua University na may 210.5 points kasunod ang San Beda University (204), Emilio Aguinaldo College (196.5), College of Saint Benilde (183.5), Lyceum of the Philippines University (155.5), San Sebastian College-Recoletos (155.5) at Jose Rizal University (138.5).