MANILA, Philippines — Sumama na rin sa listahan si shooting guard Rey Nambatac sa mga napatawan ng parusa dahil sa paglalaro sa ligang labas.
Pinagmulta ng Rain or Shine si Nambatac ng katumbas ng dalawang araw na suweldo nito.
Napag-alaman ng Elasto Painters management ang paglalaro ni Nambatac matapos magpadala ng larawan ang isang netizen sa paglalaro nito sa exhibition game sa Davao.
Si assistant team manager Jireh Ibanes ang nakatanggap ng larawan noong Martes.
“May nagpadala ng picture ni Rey kay Jireh then inireport sa akin ni Jireh kaya ipinatawag sa opisina si Nambatac,” ani ROS team governor Atty. Mamerto Mondragon.
Agad namang nagtungo si Nambatac sa opisina ni Mondragon at inamin ang nagawa nitong pagkakamali.
“Inamin naman niya. Ini-report ko na rin sa PBA pero nauna na iyong action namin sa team. Ang lalaki ng mga suweldo nila at hindi naman din kami nagkulang sa paalala,” ani Mondragon.
Una nang pinagmulta si slotman Beau Belga na naglaro sa ligang labas sa Cebu.