MANILA, Philippines — Pinatawan ng suspensiyon ng Rain or Shine si veteran big man Beau Belga matapos matuklasan ang paglalaro nito sa ligang labas.
Hindi nagpaalam si Belga sa pamunuan ng Elasto Painters. Kaya naman nagdesisyon ang ROS management na bigyan ito ng anim na araw na suspensiyon na walang bayad.
Sinabi ni team governor Atty. Mamerto Mondragon na ipinatawag na si Belga para sa isang meeting upang linawin ang mga nangyari.
Natuklasan ang paglalaro ni Belga nang mag-viral ang video noong Linggo kung saan nakitang nagkasakitan ang ROS slotman at si NLEX player JR Quiñahan sa isang laro sa Cebu.
Naganap ang exhibition game sa Carmen, Cebu kung saan naglaro sina Belga at Quiñahan para sa Northball.
Nakalaban ng Northball sa naturang exhibition ang Sirius Star na binubuo ng mga foreign players.
Ipinatatawag din ng PBA ang mga players na sangkot para pagpaliwanagin ang mga ito.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, magaganap ang pag-uusap matapos ang FIBA World Cup Draw sa Abril 29 sa Araneta Coliseum.