Nagsimula ang lahat sa biro ni Sean Chambers na dapat talunin ni Jojo Lastimosa si coach Tim Cone at ang Barangay Ginebra para ma-preserve ang kanyang record bilang most decorated PBA import.
Sa ngayon kasi eh, tabla na sila ni Justin Brownlee na six-time champion.
Agad namang isinaad ni Chambers sa kanyang Facebook account na siya ay nagbibiro lang at hati ang kanyang puso sa Cone-Lastimosa duel.
Pero ang biro ni Chambers eh, naghatid na sa pagkukumpara ng achievements at greatness niya at ni “Kabayan” JB.
Hindi matatawaran ang ipinakita ni Chambers na nakatulong sa pamamayagpag ng Alaska Milk noong Dekada 90 at ito ay nagbunsod sa pagkakahirang sa kanya bilang ikalawang Mr. 100 Percent awardee ng PBA kasunod ni Norman Black.
Pero si Brownlee ang kasalukuyang “barometer” sa mga PBA imports at patuloy umuusad ang paglilok ng kanyang greatness.
Tangan niya ang perfect na 6-of-6 record sa PBA Finals. At may tsansa siyang palawigin ito sa 7-of-7.
Sa susunod na buwan, nakalinya rin siyang igiya ang Gilas Pilipinas sa redemption bid sa Southeast Asian Games. At lalo itong magpapakinang ng kanyang golden career sa Philippine basketball.
Maski si Chambers eh, saludo naman kay Brownlee.
“Justin is more than worthy, to be The King on the Hill, as he plays the game the right way, amazing work ethic and he loves the Philippines. I have the ultimate respect for Justin, as he is a phenomenal player and good dude,” ani Chambers.