MANILA, Philippines — Nang magtayo ng double-digit lead sa first half ay hindi na bumitaw ang nagdedepensang Barangay Ginebra.
Kumolekta si import Justin Brownlee ng 31 points, 12 rebounds, 4 assists at 2 steals para pamunuan ang Gin Kings sa 102-90 paggupo sa TNT Tropang Giga sa Game One ng 2023 PBA Governors’ Cup Finals sa harap ng 11,580 fans kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag si Jamie Malonzo ng 21 markers habang may 14 points at 11 boards si Christian Standhardinger para sa 1-0 lead ng Ginebra sa kanilang best-of-seven championship series ng TNT.
Kumolekta si Scottie Thompson ng triple-double na 10 points, 11 rebounds at 11 assists para sa Gin Kings na hangad ang back-to-back titles matapos maghari sa PBA Commissioner’s Cup laban sa guest team na Bay Area Dragons.
“For sure it’s playoff basketball. We’ve all been here before. We knew it’s gonna be hard against a team like TNT,” wika ni Malonzo na nagsalpak din ng tatlong triples.
Pinamunuan ni dating NBA player Rondae Hollis-Jefferson ang Tropang Giga sa kanyang 30 points, 20 rebounds at 5 assists at may 23 at 16 markers sina Mikey Williams at Glenn Khobuntin, ayon sa pagkakasunod.
Isinara ng Gin Kings ang first period bitbit ang 29-20 abante na kanilang pinalobo sa 14-point lead, 37-23, sa pagbubukas ng second quarter.
Nakahabol ang Tropang Giga para makalapit sa halftime, 43-50, at sa 52-54 sa 7:17 ng third canto galing sa three-pointer ni Williams.
Ngunit isang 20-8 atake ang inilunsad nina Brownlee, Standhardinger, Malonzo at Thompson para muling ilayo ang Ginebra sa 74-60 sa huling 1:22 minuto ng nasabing yugto.
Mula rito ay hindi na nakaporma ang TNT na lalo pang naiwanan sa 69-87 sa 8:06 minuto ng fourth period mula sa tatlong tres nina Malonzo, Aljon Mariano at Stanley Pringle.