Laban Tinyente!
Noong isang araw lang, balik si tennis great Martina Navratilova sa panel ng Tennis Channel at masayang inihayag na pinanalunan na niya ang kanyang laban sa cancer.
Karagdagang inspirasyon ito para kay LA Tenorio sa kanyang sariling pakikipagbakbakan kontra Big C.
Tinalo ni Navratilova ang throat cancer at breast cancer.
Maraming iba pa ang pinanagumpayan ang pagdaan sa parehong health problem at marami ang nananalig, sisiw, putung-puto o maning-mani ang bagay na ito para sa Ironman ng PBA.
Unang-una na, nariyan ang pananalig ni LA sa Maykapal.
At kasama ang mga panalangin ng maraming nagmamahal kay LA, inaasahang magagapi ang laban at makakabalik pa sa loob ng playing court ang Tinyente ng Barangay Ginebra.
“I am lifting everything to God and I believe there is a higher purpose as I go through this part of my life,” ani LA sa kanyang statement. Amen!
***
Parang nawiwili si Magnolia player Calvin Abueva ng kahihiyaw ng “Payatas!” tuwing matatalo sila sa isang big game.
Ibig sabihin ba niya eh, “Basura?” At pinatutungkulan ba niya ang liga?
Ang siste eh, ang Magnolia mismo ang nagsayang ng won ball game na dapat sana eh nagbunsod ng rubber match sa kanilang quarterfinal showdown kontra Meralco.
Insulto sa taga-Payatas ang hiyaw ni Calvin, dahil ang mga taga-Payatas eh may dangal at matapang na humaharap sa laban ng buhay.
- Latest