Beermen biyaheng semis

Tinangkang supalpalin ni SMB forward Mo Tautuaa ang tirada ni Converge import Tom Vodanovich.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Hindi na binigyan ng No. 2 San Miguel ng pagkakataon ang No. 7 Converge na makahirit ng isang ‘do-or-die’ game sa quarterfinals.

Humataw ang Beermen ng 37 points sa third period para sibakin ang FiberXers, 121-105, at itagay ang semifinals ticket sa 2023 PBA Governors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi nagamit ng San Miguel, nakahugot kay import Cameron Clark ng 40 points at 13 rebounds, ang hawak na ‘twice-to-beat’ incentive papasok sa best-of-five semis series.

Nagdagdag si CJ Perez ng 26 markers, 12 boards, 5 assists at 5 steals at may 20 at 12 points sina Vic Manuel at Jericho Cruz, ayon sa pagkakasunod.

“For sure its gonna be a tough game para sa amin,” ani Perez sa hindi paglalaro sa semis ni injured six-time PBA MVP June Mar Fajardo.

“Malaking bagay sa amin si June Mar.”

Pinamunuan ni import Tom Vodanovich ng New Zealand ang Converge sa kanyang 39 points tampok ang anim na 3-pointers.

Nakabangon ang FiberXers mula sa 29-41 pagkakaiwan sa second period para agawin ang 54-49 abante sa Beermen mula sa inihulog na 25-8 bomba tampok ang kanilang anim na tres.

Matapos ang layup ni Arana para sa 68-65 bentahe ng Converge sa 9:05 minuto ng third quarter ay kumamada ang SMB ng 20-4 atake sa likod ng 10 points ni Clark para ilista ang 85-72 kalamangan sa 4:47 minuto nito.

Huling nakalapit ang FiberXers sa 102-112 sa 1:59 minuto ng final canto galing sa isang free throw ni Jeron Teng matapos ibaon ng Beermen sa 94-79.

Show comments