Team Philippines inihahanda na para sa Cambodia South East Asian Games

Caloy Loyzaga
STAR/File

MANILA, Philippines — Kasado na ang Team Philippines na isasabak sa 32nd South East Asian Games na gaganapin sa Cambodia sa Mayo 6 hanggang 17.

Sinabi ni Philippine delegation chef de mission Caloy Loyzaga na tinututukan nito ang lahat para masigurong handang handa ang Pinoy squad sa biennial meet.

“All preparations are in place. Aside sa malillit na problema lalo na mga technical handbook which is understandable dahil first time ng Cambodia mag-host ng SEA Games, maayos na ang lahat,” ani Loyzaga.

Nakatakda ang deadline ng pagsusumite ng entry by names sa Sabado.

“We already submitted the entry by numbers, then the entry by names deadline is on Saturday (March 11). Hopefully, makumpleto natin ang lahat, although may ilang mga sports association like swimming na may internal dispute ang katatapos pa lang ng tryouts,” dagdag ni Loyzaga sa kanyang pagbisita sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ nitong Huwebes sa PSC Conference Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.

Katuwang ni Loyzaga ang Philippine Sports Commission sa pagsasaayos ng lahat dahil sa PSC magmumula ang pondong gagamitin ng delegasyon.

“With close coordination with the Philippine Sports Commission, yung mga allowances, mga request namin for training and competition uniforms, approved na,” ani Loyzaga.

Nakikipag-ugnayan din si Loyzaga sa host Cambodia para matugunan ang pangangailangan ng delegasyon sa oras na dumating na ito sa naturang bansa.

Binubuo ng mahigit sa 1,300 ang atleta at opisyales ang miyembro ng Team Philippines batay sa entry by number na isinumite ng Philippine Olympic Committee (POC).

Inaasahang mababago pa ito dahil may ilang pagbabago rin na ginagawa ang host Cambodia.

Ayaw magbigay ni Loyzaga ng presdiksiyon ngunit tiniyak nitong palaban ang lahat ng atletang isasabak sa Cambodia.

Show comments