MANILA, Philippines — Palalakasin ng Petro Gazz at Chery Tiggo ang kanilang kampanya para makahirit ng puwesto sa semis sa magkahiwalay na laban sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference sa The Arena sa San Juan City.
Magtutuos ang Gazz Angels at Philippine Army ngayong alas-4 ng hapon, habang aariba ang laro ng Crossovers kontra sa Akari Chargers sa alas-6:30 ng gabi.
Nangunguna sa team standings ang defending champion na Creamline na may 5-1 marka at nasa ikalawa ang PLDT Home Fibr tangan ang 4-1 kartada kabuntot ang F2 Logistics (4-2).
Nasa ikaapat ang Gazz Angels at Crossovers na parehong may 3-2 marka.
Kaya naman krusyal ang mga susunod na laro sa liga lalo pa’t dikit-dikit ang baraha ng mga teams na naglalaban-laban para sa apat na silya sa semifinals.
Galing ang Gazz Angels sa 25-23, 25-13, 25-23 panalo kontra sa Cargo Movers sa kanilang huling laro.
Apat na players ng Gazz Angels ang nagtala ng double digits sa naturang laro sa pangunguna nina Jonah Sabete at MJ Phillips na may tig-13 points.
Nakalikom naman si Aiza Maizo-Pontillas ng 11 hits at may 10 markers si Grethcel Soltones.
Haharap ang Gazz Angels sa Lady Troopers na nananatiling walang panalo sa limang laro.
Uhaw sa panalo ang Army kaya’t inaasahang ilalabas nila ang lahat ng kanilang armas para putulin ang losing skid.
Ibabandera ng Lady Troopers si top scorer Honey Royse Tubino kasama sina Nene Bautista, Lutgarda Malaluan, Jeanette Villareal at Mary Anne Esguerra.