MANILA, Philippines — Umukit ng kasaysayan si RJ Abarrientos ng Ulsan Hyundai Mobis Phoebus matapos hirangin bilang Rookie of the Year sa pagtatapos ng 2022-2023 regular season ng Korean Basketball League.
Dinaig ni Abarrientos ang ilang pambatong local candidates ng KBL at maging ang kababayang si Rhenz Abando ng Anyang KGC.
“Thank you to my coaches, especially my Mobis team, to all my teammates for helping me through a lot on and off the court,” sabi ng dati ng FEU Tamaraws guard.
Humakot si Abarrientos ng 13.6 points, 4.8 assists, 2.9 rebounds at 1.4 steals sa 51 games para sa Ulsan na nagtapos sa No. 4 sa regular season hawak ang 34-20 kartada papasok sa quarterfinals.
Tumikda naman si Abundo ng mga averages na 9.0 points, 2.3 rebounds at 1.0 assist para sa Anyang na may 37-17 kartada para maging regular season champion patungo sa semifinals.
Parehong naglalaro sina Abarrientos at Abando bilang Pinoy imports sa ilalim ng Asian Player Quota program na ikinunsidera ng KBL na eligible para seasonal awards.
Samantala, tinanghal na Season MVP si Kim Sun Hyung ng reigning champion na Seoul SK Knights na may 36-18 kartada sa ikatlong puwesto papasok sa playoffs.
Wagi rin bilang Best Import ang teammate niyang si Jameel Warney, habang Coach of the Year si Kim Sang Shik ng Anyang.
Sinamahan nina import Omari Spellman at Byeon Jun Hyeong ng Anyang pati ni Jeon Seong Hyun ng Goyang Carrot Jumpers sina Kim at Warney sa Mythical Five selection.