Pinoy rowers hataw ng 4 medals sa World Indoor
MANILA, Philippines — Nagbulsa ang national rowing team ng isang ginto, isang pilak at dalawang tansong medalya sa 2023 World Rowing Indoor Championships na ginanap sa Missisauga sa Toronto, Canada.
Nanguna sa kampanya ng Pinoy rowers si Kristine Paraon na humirit ng isang ginto at isang pilak sa kanyang mga paboritong events.
Inilabas ni Paraon ang bagsik nito para masikwat ang gintong medalya sa women’s 19-20 2000m event habang nakasiguro rin ito ng pilak sa women’s 19-20 500m category.
“Congratulations to our athletes for securing four medals from the 2023 World Rowing Indoor Championships, for the first time ever,” ayon sa post ng Philippine Rowing Association sa kanilang social media account.
Nagdagdag naman ng tig-isang tansong medalya si Tokyo Olympics veteran at Southeast Asian Games gold medalist Cris Nievarez at Athens Tolentino.
Pumangatlo si Nievarez sa men’s 21-22 2000m event habang nakatanso rin si Tolentino sa men’s 21-22 lightweight 500m class sa torneong nilahukan ng matitikas na rowers mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
- Latest