Bossing naisahan ng Batang Pier

Nalusutan pa rin ni NorthPort import Kevin Murphy ang pang-iipit sa kanya nina Troy Rosario at Baser Amer ng Blackwater.
PBA Image

MANILA, Philippines — Pinatibay ng NorthPort ang kanilang pag-asa sa quarterfinal round ma­tapos lusutan ang Blackwater, 110-104, sa 2023 PBA Governors’ Cup ka­hapon sa Smart Araneta Coliseum.

Iniskor ni import Ke­vin Murphy ang 12 sa kanyang game-high na 47 points sa huling apat na minuto ng laro para sa ikalawang sunod na rat­sada ng Batang Pier na nagbigay sa kanila ng 2-6 record.

Nag-ambag si Robert Bo­lick ng 24 markers, tampok ang tatlong triples, bukod sa 7 rebounds at 6 assists, habang may 10 points si JM Calma.

“Sana magtuluy-tuloy pa,” wika ni interim coach Bonnie Tan.

Nalasap naman ng Bossing ang pang-walong dikit na kamalasan para sa 1-9 baraha.

Kinuha ng Blackwater, nakahugot kay import Shawn Glover ng 20 points, 9 boards at 3 assists, ang 58-49 halftime lead bago naagaw ng NorthPort ang 82-80 abante sa 8:37 minuto ng third period.

Ang floater ni Calma ang nagtaas sa Batang Pier sa 89-85 sa 6:46 mi­nuto ng laro kasunod ang dalawang free throws ni Troy Rosario para sa 96-93 bentahe ng Bossing sa huling apat na minuto.

Dito na humataw si Mur­phy na naghulog ng solong 12-0 bomba para sa 105-101 kalamangan ng NorthPort sa huling 53 segundo.

Ang tres naman ni Bo­lick sa natitirang 23 segundo ang tuluyan nang nagpaguho sa Blackwater.

Show comments