PSA Athlete of the Year si Diaz
MANILA, Philippines — Mula sa sa pagkopo ng gintong medalya sa mga malalaking international events kagaya ng Southeast Asian Games, Asian Games at World Championship hanggang sa Olympics ay wala nang makakapantay kay weightlifter Hidilyn Diaz.
Mahigit isang taon matapos ibigay sa Pilipinas ang kauna-unahang Olympic gold medal ay tuloy pa rin si Diaz sa paghakot ng karangalan para sa bansa.
Tatlong ginto ang binuhat ng 31-anyos na tubong Zamboanga City sa women’s 55-kilogram class ng nakaraang IWF World Weightlifting Championships sa Colombian, Bogota.
Ito ang kumumpleto sa bucket list ni Diaz sa pagsikwat ng ginto sa mga malalaking international events.
At dahil dito ay hinirang si Diaz ng Philippine Sportswriters Association (PSA) bilang 2022 Athlete of the Year.
“Hidilyn Diaz was the unanimous choice as Athlete of the Year for 2022 by the Philippine Sportswriters Association. Her latest triumph is a testament to her being a true world-class athlete who continues to be an inspiration to the Filipino people since her historic gold medal win in the Tokyo Olympics,” ani PSA president at Tempo sports editor Rey Lachica.
Ibibigay sa Pinay weightlifter ang ikatlo niyang Athlete of the Year award sa nakalipas na limang taon sa tradisyunal na San Miguel Corporation (SMC)-PSA Awards Night sa Marso 6 sa grand ballroom ng Diamond Hotel.
Ito ang ikaapat na PSA Athlete of the Year trophy ni Diaz para pantayan sina world boxing greats Manny Pacquiao at Nonito Donaire Jr.
- Latest