MANILA, Philippines — Ipinoste ng Phoenix ang una nilang panalo sa 2023 PBA Governors’ Cup matapos sapawan ang minamalas na NorthPort, 108-97, kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Muntik masayang ang itinayong 27-point lead ng Fuel Masters sa third period para kunin ang unang panalo sa apat na laro at inihulog ang Batang Pier sa 0-4 baraha.
Kumolekta si import Du’vaughnn Maxwell ng 26 points, 11 rebounds, 6 assists, 2 steals at 2 blocks habang may 26 markers din si Jason Perkins para sa Phoenix.
“We led big but unfortunately, you have to give credit to NorthPort for coming back,” ani coach Jamike Jarin. “I said they’re gonna make a run but I’m not going to call a timeout because I want to resolve it among themselves. That’s part of the growing of this young team. And we did that.”
Binanderahan ni import Marcus Weathers ang NorthPort sa kanyang 29 points at 9 rebounds at may 15 at 10 markers sina Ken Salado at Arthur Dela Cruz, ayon sa pagkakasunod.
Matapos kunin ang 55-46 halftime lead ay umarangkada ang Fuel Masters sa third period tampok ang stepback triple ni RJ Jazul para iposte ang 27-point advantage, 84-57, sa 3:26 minuto nito.
Ngunit naputol ito ng Batang Pier sa 78-86 sa 9:38 minuto ng fourth quarter galing sa kinanang 21-2 bomba sa pagbibida nina Weathers, Jeff Chan at Ken Salado.
Dahil sa kanilang depensa ay lalo pang nakadikit ang NorthPort sa 87-92 buhat sa basket ni Salado sa 7:12 minuto ng final canto.
Ngunit sinandigan ng Phoenix ang tatlong tirada ni Jason Perkins at tig-isang tres nina Jazul at Manganti para muling makalayo sa 104-89 sa 3:43 minuto ng laro.
Ang jumper ni Manganti sa huling 1:08 minuto ang nagbigay sa Fuel Masters ng 107-92 para selyuhan ang kanilang panalo.