Giannis nasa porma na, bida sa panalo ng Bucks

Dumepensa si Giannis Anteto­kounmpo ng Bucks laban kay rookie Jalen Duren ng Pistons.

DETROIT — Iniskor ni Giannis Antetokounmpo ang 20 sa kanyang 29 points sa first quarter patungo sa pagbandera sa Milwaukee Bucks sa 150-130 pagrapido sa Pistons.

Nagbalik sa aksyon ang two-time MVP na si Antetokounmpo matapos ang five-game absence dahil sa kanyang left knee sprain para sa 30-17 kartada ng Milwaukee.

Nakasabay niyang nag­laro si three-time All-Star Khris Middleton na huling nakita sa hardcourt noong Disyembre 15 bago nagkaroon ng knee injury.

Kumamada ang Bucks ng 49 points sa first quarter at ipinoste ang 83-55 kalamangan sa halftime na hindi na napababa ng Pistons sa second half.

Sa Orlando, naglista si Paolo Banchero ng 23 points para ihatid ang Magic (18-29) sa 113-98 paggupo ng Boston Celtics (35-13).

Sa Chicago, kumabig si DeMar DeRozan ng 26 points sa kanyang ika-1,000 career game sa 111-100 pagsuwag ng Bulls (22-24) sa Atlanta Hawks (24-24).

Sa Houston, nagpasabog si Fil-Am guard Jalen Green ng career-high na 42 points para igiya ang Rockets (11-36) sa 119-114 panalo sa Minnesota Timberwolves (24-25).

Sa Salt Lake City, kumolekta si Lauri Markkanen ng 25 points at 11 rebounds sa 120-102 paggiba ng Utah Jazz (25-25) sa Charlotte Hornets (13-35).

Show comments