Giannis nasa porma na, bida sa panalo ng Bucks
![Giannis nasa porma na, bida sa panalo ng Bucks](https://media.philstar.com/photos/2023/01/24/nba_2023-01-24_22-28-47.jpg)
DETROIT — Iniskor ni Giannis Antetokounmpo ang 20 sa kanyang 29 points sa first quarter patungo sa pagbandera sa Milwaukee Bucks sa 150-130 pagrapido sa Pistons.
Nagbalik sa aksyon ang two-time MVP na si Antetokounmpo matapos ang five-game absence dahil sa kanyang left knee sprain para sa 30-17 kartada ng Milwaukee.
Nakasabay niyang naglaro si three-time All-Star Khris Middleton na huling nakita sa hardcourt noong Disyembre 15 bago nagkaroon ng knee injury.
Kumamada ang Bucks ng 49 points sa first quarter at ipinoste ang 83-55 kalamangan sa halftime na hindi na napababa ng Pistons sa second half.
Sa Orlando, naglista si Paolo Banchero ng 23 points para ihatid ang Magic (18-29) sa 113-98 paggupo ng Boston Celtics (35-13).
Sa Chicago, kumabig si DeMar DeRozan ng 26 points sa kanyang ika-1,000 career game sa 111-100 pagsuwag ng Bulls (22-24) sa Atlanta Hawks (24-24).
Sa Houston, nagpasabog si Fil-Am guard Jalen Green ng career-high na 42 points para igiya ang Rockets (11-36) sa 119-114 panalo sa Minnesota Timberwolves (24-25).
Sa Salt Lake City, kumolekta si Lauri Markkanen ng 25 points at 11 rebounds sa 120-102 paggiba ng Utah Jazz (25-25) sa Charlotte Hornets (13-35).
- Latest