MANILA, Philippines — Pinangalanan na kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang 24 miyembro ng Gilas Pilipinas pool para sa sixth window ng FIBA Basketball World Cup Asian Qualifiers sa Pebrero.
Nangunguna sa listahan si Justin Brownlee ng Barangay Ginebra na kamakailan lamang ay inaprubahan na ang naturalization.
Makakasama ni Brownlee sa Gilas Pilipinas training pool ang mga napiling players mula sa PBA, UAAP at Japan B-League.
Ilan sa mga bagong pangalan na napasama sa pool ay sina Schonny Winston ng De La Salle University, Jerom Lastimosa ng Adamson University at Mason Amos.
Pasok din sina Jordan Heading, Arvin Tolentino, Kai Sotto, Dwight Ramos, Jordan Heading, Ray Parks, Kiefer Ravena, Thirdy Ravena at Carl Tamayo.
Aariba rin sina Scottie Thompson, June Mar Fajardo, CJ Perez, Roger Pogoy, Chris Newsome, Jamie Malonzo, Calvin Oftana, Arvin Tolentino, Japeth Aguilar at Raymond Almazan, naturalized center Ange Kouame, Kevin Quiambao at Francis Lopez.
Ito ang unang pagkakataon na masisilayan sa aksyon si Brownlee suot ang Gilas Pilipinas jersey.
Si Brownlee ang isa sa mga naturalized players ng Gilas Pilipinas.
Una na si Kouame, habang si Filipino-American Jordan Clarkson ng Utah Jazz ay itinuturing na naturalized player ng FIBA.
Makakasagupa ng Gilas sa sixth window ang Jordan at Lebanon.
Idaraos ang mga laro sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Magsisilbing dry run ito para sa hosting ng Pilipinas ng FIBA World Cup na itataguyod ng bansa sa Agosto.
Sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan gaganapin ang knockout stage ng FIBA World Cup.