Abando hari sa KBL slam dunk

MANILA, Philippines — Napasakamay ni Rhenz Abando ng Anyang KGC ang Slam Dunk king award matapos mamayagpag sa Korean Basketball League (KBL) slam dunk contest na ginanap sa Suwon KT Arena sa South Korea.

Nairehistro ni Abando ng impresibong 100 perpektong score matapos pahangain ang mga hurado sa kanyang solidong slam dunk.

Iginupo ni Abando si Ha Yun-gi ng Suwon KT SonicBoom na nagtala lamang ng 90 puntos para magkasya sa ikalawang puwesto.

Tinalo rin ni Abando sina Choi Jin-soo ng Ulsan Hyundai Mobis Phoebus na may 89 puntos at Park Jin-cheol ng Goyang Carrot Jumpers na may 87 puntos.

dahil sa panalo, nasikwat ni Abando ang 2 million South Korean won o mahigit P80,000 premyo.

Unang inilatag ni Abando ang two-handed 360 dunk kasunod ang two-handed baseline dunk mula sa pasa ni RJ Abarrientos sa side board at isa pang backboard tap reverse jam.

Nakalikom si Abando ng 50 puntos sa naturang mga dunks sa first round.

Sa second round, mu­ling nakakuha si Abando ng 50 puntos matapos ang reverse two-handed windmill jam, one-handed windmill, double clutch reverse dunk, at tomahawk dunk.

Hindi lamang sa slam dunk nagpasiklab si Abando.

Nakasama pa nito sina Abarrientos at SJ Belangel sa pagtarak ng Filipino imports ng 13-7 panalo laban sa Team KBL sa 3x3 contest.

Hindi naman pinalad si Abarrientos na umusad sa final round ng three-point shootout event matapos magkasya sa 13 puntos. 

 

Show comments