MANILA, Philippines — Tuloy din ang rigodon sa coaching staff sa Premier Volleyball League (PVL).
Ipaparada ng Petro Gazz ang bagong head coach nito sa 2023 season ng PVL sa ngalan ni veteran mentor Oliver Almadro.
Bagong taon, bagong head coach para sa Gazz Angels na pormal nang inihayag ang pagpasok ni Almadro sa programa ng kanilang tropa para sa taong ito.
“New year! New beginnings! New heights! Let’s all welcome Coach Oliver Almadro as the new head coach of the Petro Gazz Angels!” ayon sa post ng Gazz Angels.
Si Almadro ang humawak sa volleyball program ng Choco Mucho Flying Titans sa nakalipas na mga taon para pagtuunan ang Ateneo women’s volleyball team.
Ngunit nagbitiw ito noong nakaraang taon kung saan humalili si Edjet Mabayyad bilang interim head coach,
Kamakailan lang ay pinangalanan si men’s national team at National University head coach Dante Alinsunurin bilang bagong head coach ng Choco Mucho.
Sesentro na ang atensiyon ni Almadro sa Gazz Angels.
Masusubukan ang tikas ni Almadro dahil galing sa kampeonato ang Petro Gazz matapos pagreynahan ang PVL Reinforced Conference noong Disyembre.
Umaasa ang Gazz Angels fans na madadala ni Almadro ang karanasan nito sa kampo ng Petro Gazz upang madugtungan ang dominasyon nito sa oras na magsimula ang Open Conference sa Pebrero.
Sumasailalim sa rebuilding ang Gazz Angels mula sa coaching staff hanggang sa players.
Ang dating head coach ng Petro Gazz na si Rald Ricafort ang kasalukuyang head coach ng PLDT Home Fibr.
Wala na rin sa lineup ng Gazz Angels si ace wing spiker Myla Pablo gayundin si libero Bang Pineda.