Ildefonso kulang pa sa dokumento sa KBL

MANILA, Philippines — Hindi muna nakapag­laro si Dave Ildefonso para sa Suwon KT So­nicboom matapos pormal na ipakilala bilang Asian import nito sa idinaraos na regular season ng Korean Basketball League (KBL).

Sa kawalan ni Ildefonso ay kinapos ang Suwon kontra sa Ulsan Hyundai Mobis Phoebus, 83-69 kung saan naglalaro ang kababayang si RJ Abarrientos, para malaglag sa 13-16 kartada.

Wala pang kasiguruhan kung kailan opisyal na makakasalang si Ildefonso subalit ayon sa Korean news outlets ay may mga dokumento pa itong kailangang ayusin bilang requirements ng pagiging Asian import.

Noong nakaraang linggo pa dumating si Ildefonso sa Korea at nagsasanay na kasama ang Sonicboom subalit kamakalawa lang pormal na inilunsad ng koponan bilang pinakabagong player nito.

Numero 77 ang isusuot na jersey ni Ildefonso para sa Suwon na sunod na sasalang kontra sa Jeonju KCC Egis (15-15) ngayon.

Inaasahan ng Suwon ang kalibre ni Ildefonso sa shooting guard position matapos ang makulay nitong karera sa Ateneo Blue Eagles tampok ang kampeonato at Mythical Five selection sa katatapos lang na UAAP Season 85.

Si Ildefonso ang ika­anim na Filipino import sa KBL.

 

Show comments