Valientes silat sa Malaysia

MANILA, Philippines — Sadsad uli sa kabiguan ang Zamboanga Valientes kontra sa NS Matrix Malaysia, 86-82, sa pagpapatuloy ng 2023 ASEAN Basketball League (ABL) Invitational kamakalawa ng gabi sa OCBC Arena sa Singapore.

Tulad ng 71-75 pagkatalo kontra sa Saigon Heat, sinubukan uli ng Valientes na magpamalas ng never-say-die attitude subalit tumiklop din para sa kanilang ikalawang sunod na talo matapos ang 108-94 panalo kontra sa Louvre Surabaya.

Napurnada ang 20 puntos at 14 rebounds ni Ryan Smith pati ang 17 markers at 14 boards ni dating Terrafirma import Antonio Hester para sa Zamboanga, na bumaba sa 1-2 kartada.

Nasayang din ang 15 markers ni San Beda guard James Kwekuteye sahog ang 5 rebounds at 5 steals sa kanyang ikalawang sunod na salang matapos hindi makapaglaro sa ABL opener.

May tsansa pa sanang makatabla ang Zamboanga, na lumamang pa nang maaga sa 24-9 lead, ngunit sablay ang game-tying attempts nina Filipino-American guard Jeremy Arthur at local big man Kemark Cariño.

Bumida naman si da­ting NBA G League player Amir Williams na may 22 markers at 15 rebounds habang may 17 si Malaysia national team standout Chun Hong Ting.

Show comments