Jerusalem paghahandaan ang title defense
MANILA, Philippines — Ang pagdedepensa sa kanyang nakamit na world boxing crown ang tututukan ni Pinoy fighter Melvin Jerusalem ngayong taon.
Plano ng tubong Bukidnon na bumalik sa Cebu para muling mag-ensayo ilang araw matapos agawan ng World Boxing Organization (WBO) minimumweight title si Masataka Taniguchi sa Osaka, Japan noong Biyernes.
Tinalo ni Jerusalem si Taniguchi via second-round knockout win para alisan ng korona ang Japanese at maging pinakabagong Pinoy world boxing champion.
Ito ang pang-siyam na sunod na panalo ng 28-anyos na si Jerusalem para sa kanyang 20-2-0 win-loss-draw ring record tampok ang 12 KOs, habang nalasap ni Taniguchi ang ikaapat na kabiguan sa 20 laban.
Ang mga naunang Pinoy warriors na naghari sa WBO minimumweight division ay sina Merlito Sabillo noong 2013 at Donnie Nietes noong 2007 hanggang 2010.
Natalo si Jerusalem sa una niyang title fight noong 2017 nang mabigo kay Thai Wanheng Menayothin via unanimous decision para sa World Boxing Council (WBC) minimumweight belt.
- Latest