Simula na ang bentahan ng tiket para sa Asian Qualifiers
MANILA, Philippines — Lalarga na ang ticket selling para sa inaabangang pares ng home games ng Gilas Pilipinas sa sixth at final window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sa pahayag ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP), puwede nang bumili ang mga fans ng kanilang tiket simula sa Linggo para sa laban ng Gilas sa Pebrero 24 hanggang 27 sa MOA Arena sa Pasay City.
Matapos ang parehong road games sa fifth window sa Middle East, iho-host ng Gilas ang Lebanon sa Pebrero 24 kasunod ng Jordan sa Pebrero 27.
Rematch ito ng Gilas matapos ang magkaibang resulta nang matalo kontra sa Lebanon sa Beirut, 81-85, bago daigin ang Jordan sa Amman, 74-66.
May 7-1 kartada ang Lebanon bilang lider ng Group E, habang may 5-3 at 4-4 baraha naman ang Gilas at Jordan, ayon sa pagkakasunod.
Swak na sa World Cup ang Lebanon dahil sa magandang record at pasok din ang Gilas bilang main host ng 32-team world basketball championships.
Wala pang inihahayag na training pool ang Gilas subalit inaasahang ilabas ito ni program director at head coach Chot Reyes ngayong buwan para magkaroon ng mahabang preparasyon.
Sa kabila nito ay siguradong kasama si Barangay Ginebra import Justin Brownlee sa pool na bubuuin ng Gilas bilang pinakabagong dagdag na naturalized player ng koponan.
Noong nakaraang buwan pa pumasa sa Kongreso at Senado ang naturalization ni Brownlee na magbibigay-daan sa kanyang Filipino citizenship at paglalaro sa Philippine national team.
Bagama’t no-bearing sa Gilas ang qualifying window, bahagi ito ng kanilang mahabang paghahanda para rin sa 32nd Southeast Asian Games at sa 19th Asian Games bukod pa sa World Cup.
- Latest