Naka-wheelchair na lumabas si Bay Area import Andrew Nicholson sa MOA Arena at diretso sa ospital para sa agarang check up pagkatapos ng kanilang 89-82 talo kontra Barangay Ginebra sa Game 3 ng kanilang PBA Commissioner’s Cup title showdown.
Para sa mga pure basketball fans, mas magandang walang injury na natamo si Nicholson at agad makatayo upang makapagpatuloy na itimon ang Dragons sa mga natitirang laro ng serye.
Mabigat siyang sandigan ng koponan ni coach Brian Goorjian at malaki ang magiging pagbabago ng timplada ng laro kung mawawala ang do-it-all Bay Area import.
Plantsado na ang come-from-behind win ng Gin Kings, at 37 seconds na lang ang natitira sa laro nang makatikim ng hindi magandang bagsak galing sa rebound play. Twisted ang left ankle at kinailangang tulungan ng mga teammates para makarating sa bench at pagkatapos ay sa kanilang dugout.
Double whammy ang natamo ng Dragons dahil naligwak na ang malaking kalamangan, nakita pa nila ang pag-aringking sa sakit ni Nicholson.
At pagkatapos eh, labasan sa social media ang ilang iyakan ng mga Dragons ukol sa officiating.
Hindi ko natutukan nang husto ang laro at puwedeng totoong may napaboran sa tawagan.
Pero bottom line, hindi tumama ang mga tirada ng mga Dragons sa endgame. Puro bukol, samantalang umaapoy na endgame salvo ang nahugot ng mga Gin Kings.
Kaya naman muling lumamang ang Ginebra, 2-1, sa serye at nagbabanta ang paglapit sa titulo sa Game 4 ngayong gabi sa parehong playing venue.
Kailangang bumalik si Nicholson. O malamang na mababaon sa mas malalim na hukay ang mga Dragons.