Ildefonso nakapag-ensayo na sa Sonicboom team
MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan ni dating Ateneo stalwart Dave Ildefonso ang bagong kabanata ng kanyang makulay na playing career bilang pro cager sa Korean Basketball League (KBL).
Sumalang na sa kanyang unang ensayo para sa Suwon KT Sonicboom si Ildefonso bilang opisyal na simula ng kanyang pro career matapos sa UAAP.
Sa katunayan ay hindi pa pormal na inilulunsad ng Suwon si Ildefonso bilang Asian import subalit mismong si Lester Prosper, dating PBA import at nasa Sonicboom, ang nag-share ng training ni Ildefonso sa Instagram kasama ang koponan.
Katatapos lang ni Ildefonso sa kanyang collegiate play para sa Blue Eagles na nagkampeon sa UAAP Season 85 matapos ang 2-1 panalo sa reigning champion na UP Fighting Maroons.
Pasok si Ildefonso, anak ni PBA legend Danny at kapatid ni Rain or Shine guard Shaun, sa Mythical Five.
Sinamahan ni Ildefonso sa KBL sina dating collegiate stalwarts Rhenz Abando (Anyang), RJ Abarrientos (Ulsan) at SJ Belangel (Daegu).
Malaki ang aasahan ng Suwon kay Ildefonso lalo at nasa ika-7 puwesto lang ito ngayon ng KBL standings hawak ang 12-15 kartada.
- Latest