DETROIT — Umiskor si center Lauri Markkanen ng 38 points, tampok ang career-high na siyam na 3-pointers para buhatin ang Utah Jazz sa 126-111 pagwasak sa Pistons.
Nagdagdag si Fil-Am Jordan Clarkson ng 21 markers para sa Utah (18-16) na pinigilan ang dalawang dikit na pagkatalo at tumipa sina Jarred Vanderbilt at Malik Beasley ng 18 at 17 points, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa one-point lead sa halftime ay humarurot ang Jazz sa third period para iwanan ang Pistons sa 95-85 patungo sa pagtatala ng 22-point advantage sa fourth quarter.
Sa Miami, kumolekta si Nikola Vucevic ng 29 points at 12 rebounds at may 24 markers si DeMar DeRozan sa 113-103 panalo ng Chicago Bulls (12-18) sa Heat (16-16).
Sa Denver, nagsumite si Nikola Jokic ng triple-double na 13 points, 13 boards at 13 assists sa 105-91 pagpapaamo ng Nuggets (18-11) sa Memphis Grizzlies (19-10).
Sa Phoenix, nagposte si Kyle Kuzma ng 29 points, 6 assists at 6 rebounds sa 113-110 pagtakas ng Washington Wizards (12-20) sa Suns (19-13).
Sa New York, nagtala si Immanuel Quickley ng 22 points kasunod ang 21 markers ni Jalen Brunson sa 132-94 paggupo ng Knicks (18-13) sa nagdedepensang Golden State Warriors (15-17).