MANILA, Philippines — Apat na koponan ang unang sasalang sa pagsisimula ng 2022-23 PBA Commissioner’s Cup playoffs ngayong araw sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Unang masisilayan ang salpukan ng San Miguel Beer at Converge sa alas-3 habang magtutuos naman ang Barangay Ginebra at NorthPort sa alas-5:45 ng hapon.
Nasikwat ng Gin Kings ang No. 3 spot sa matapos makuha ang 9-3 baraha sa pagtatapos ng eliminasyon.
Nakabuntot naman ang No. 4 Converge (8-4), No. 5 San Miguel (7-5) at No. 6 NorthPort (6-6).
Lamang ang Gin Kings sa Batang Pier dahil hawak nito ang 1-0 edge sa season na ito.
Matatandaang naitala ng Ginebra ang 122-105 panalo sa NorthPort sa eliminasyon noong Nobyembre 27.
Subalit ibang usapan na ang quarterfinals.
Para kay Gin Kings head coach Tim Cone, kailangan ng kanyang bataan na mag-ingat at mailabas ang malakas na puwersa nito para makuha ang panalo.
Kabisado rin ni Cone ang walong players ng NorthPort na dati nitong nahawakan sa Ginebra.
“That’s natural for a player to be motivated playing against your former team. And we have eight former players in that team. They know well what we’re doing,” ani Cone.
Ilan dito ay sina Arvin Tolentino, Jeff Chan, Kevin Ferrer at Prince Caperal.
Sa kabilang banda, mataas ang moral ng Beermen na nakasakay sa four-game winning streak.