Mapua bakasyon na
MANILA, Philippines — Tapos na ang kampanya ng Mapua University sa season na ito kaya’t sesentro na ang atensiyon nito sa susunod na season ng liga.
Bago magsara ang kanilang yugto sa taong ito, siniguro ng Cardinals na magiging makulay ang kanilang exit.
Kaya naman matikas na pinataob ng Mapua ang San Sebastian College-Recoletos, 75-67, kahapon sa NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
“Sabi ko nga kung gusto namin manalo sa game na ito, kailangan simulan namin sa depensa yung energy. Kasi nga nakita naman natin sa game na to malambot o medyo maraming lapses sa defense e, so kaya lumobo ng ganun yung lamang. So sabi ko sa kanila ipakita n’yo kung gusto n’yo talaga manalo. Ipakita n’yo sa depensa,” ani Cardinals head coach Randy Alcantara.
Kumuha ng lakas ang Cardinals kay Paolo Hernandez na kumana ng 22 puntos tampok ang 13 markers sa final frame para dalhin ang kanilang tropa sa panalo.
Naisalpak pa nito ang krusyal na three-pointer sa huling 36 segundo ng laro para masiguro ng Mapua na magiging maganda ang exit nito.
Nagtala si Hernandez ng 3-of-9 shooting sa three-point zone kasama pa ang walong rebounds, limang assists at dalawang blocks.
Tinapos ng Mapua ang kampanya nito bitbit ang 7-11 rekord — malayo sa second-place finish nito noong Season 97.
Nagdagdag naman si Adrian Nocum ng 17 markers kasama ang 12 sa fourth quarter kalakip ang apat na rebounds.
Nahulog naman ang Golden Stags sa 8-10 baraha.
- Latest