SMB buhay pa para sa quarterfinals spot
MANILA, Philippines — Pinasigla ng San Miguel ang kanilang hangaring makapasok sa quarterfinal round matapos talunin ang Phoenix, 108-104, sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Umiskor si Simon Enciso ng 20 points tampok ang anim na three-point shots para itaas ang baraha ng Beermen sa 4-5 at pigilin ang kanilang two-game losing skid.
Isinailalim si coach Leo Austria sa health and safety protocols at sina assistants Jorge Gallent at Ato Agustin ang nagmando sa tropa.
“It was all team effort, everybody stepped and I can’t take the credit alone,” wika ni Enciso na nagtala rin ng 7 boards, 3 assists at 2 steals.
Kumolekta si import Devon Scott ng 18 markers, 14 rebounds at 6 assists at may 16 at 14 sina CJ Perez at Marcio Lassiter, ayon sa pagkakasunod.
Ito naman ang ikatlong dikit na pagkatalo ng Fuel Masters para sa kanilang 5-6 marka.
Muling nakadikit ang Fuel Masters sa 104-105 buhat sa tres ni Tyler Tio sa huling 48.8 segundo.
Dalawang beses nagkaroon ng tsansa sina Perkins at RJ Jazul na maipanalo ang Phoenix, ngunit ang split ni Scott at dalawang free throws ni Perez ang sumelyo sa panalo ng San Miguel.
- Latest