MANILA, Philippines — Kinailangan ng Terrafirma ng extra period para tuluyan nang wakasan ang kanilang 25 sunod na kamalasan simula noong 2021 PBA Governors’ Cup.
Naghulog si import Lester Prosper ng career-high na 50 points para igiya ang Dyip sa 124-114 overtime win sa NLEX Road Warriors sa 2022-23 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang panalo ng Terrafirma sa 10 laro sa torneo at inilaglag ang NLEX sa kanilang pang-limang dikit na kabiguan para sa 3-7 baraha.
“At least, nasira iyong sumpa,” wika ni head coach Johnedel Cardel sa kanyang Dyip na nakahugot kay Juami Tiongson ng 18 points, 8 rebounds at 9 assists. “At least, we can start again.”
Nagdagdag si big man Eric Camson ng 15 markers kasunod ang 10 points ni Gelo Alolino.
Pinamunuan naman ni import Earl Clark ang Road Warriors sa kanyang 45 at 18 rebounds.
Nagposte ang Terrafirma ng 17-point lead, 71-54, mula sa slam dunk ni Prosper sa pagsisimula ng third period.
Ngunit nakabangon ang NLEX sa likod nina Clark at Trollano para makatabla sa 110-110 patungo sa overtime.
Sa extension ay humataw si Prosper ng pitong puntos para ibigay sa Dyip ang 120-112 abante.
Sa ikalawang laro, inilista ng Barangay Ginebra (6-2) ang ikaapat na sunod na panalo matapos kunin ang 98-84 tagumpay sa Blackwater (3-8).
Humataw si import Justin Brownlee ng 17 points, 7 boards, 4 steals at 3 assists para banderahan ang Gin Kings.