UMAK Football Club nag-ingay sa Pacquiao 3-in-1 Challengers Cup
MANILA, Philippines — Pinatumba ng University of Makati Football Club ang Malaya Football Club sa dalawang dibisyon ng Pacquaio 3-in-1 Challengers Cup Football Championships nitong weekend sa University of Makati Football Stadium.
Dinaig ng UMAK Falcons ang Malaya FC, 2-1, sa Under-23 men’s class, habang wagi ang UMAK Herons sa ladies squad ng Malaya, 4-3, sa torneong inorganisa ng Isports Management Corporation sa pakikipagtulungan sa YFL.PH at host University of Makati.
Layunin ng torneo na mapaangat ang estado ng football sa masang Pinoy at makatuklas ng mga talento na posibleng mabigyan ng pagkakataon na mapabilang sa varsity squad at sa Philippine Team na isasabak sa iba’t ibang international tournaments.
Kabuuang 13 koponan – walo sa U23 men’s at lima sa ladies class – ang tumugon para mabigyan nang sapat na venue ang mga kabataang naghahangad na mapataas ang kalidad ng mga talento.
Kalahok sa men’s division ang Forza FC, Kaya FC, Adamson FC, PUP FC, Malaya A, Malaya B, Chronos FC, UMAK FC, habang kasali sa women’s class ang Azurri C, Forza FC, UMAK, Malaya FC at Nomads FC.
Inaanyayahan ng organizers ang mga kabataan, sports enthusiasts at buong pamilya na makibahagi sa mga laro na mapapanood ng libre tuwing weekend.
- Latest