MANILA, Philippines — Walang iba kundi si Elena Samoilenko ang pangunahing sinasandalan ng PLDT Home Fibr sa kampanya nito sa Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Kaya naman walang duda na makuha nito ang No. 1 spot sa sco-ring department ng liga kung saan umani si Samoilenko ng kabuuang 111 puntos sa apat na laro nito sa High Speed Hitters.
Sa kabila ng pagsisikap ni Samoilenko, kapos pa rin ito dahil nasa ibabang bahagi ng standings ang PLDT tangan ang 1-3 marka.
Dahil dito, kailangan ni Samoilenko ng solidong suporta mula sa mga local players para mapaangat ang kanilang tropa.
Pumapangalawa si three-time Olympian Prisilla Rivera ng Akari Chargers na may 107 puntos sa limang pagsalang.
Gaya ni Samoilenko, hindi rin sapat ang puwersa ni Rivera para mapasulong ang Chargers kung saan may 1-4 baraha ito.
Ikatlo si Odina Aliyeva ng Choco Mucho bitbit ang 104 puntos para sa 2-2 rekord ng Flying Titans.
Nasa No. 4 spot naman si Chery Tiggo team captain Mylene Paat -- ang bukod-tanging local player na sa Top 5 ng scoring --na may 102 puntos.
Itinuturing na second import ng Crossovers si Paat na tinutukoy ng volleyball fans bilang Paat-charaporn. Naglaro na bilang import si Paat sa Thailand Volleyball League kamakailan.
Hawak ng Crossovers ang malinis na 5-0 rekord para okupahan ang unang silya sa Final Four.
Ikalima naman si Yeliz Basa ng Creamline Cool Smashers na may 77 puntos.
Hindi gaya ng ibang imports, bihirang makakuha ng set si Basa dahil solido ang lineup ng Cool Smashers.
Nariyan sina team captain Alyssa Valdez, outside hitter Jema Galanza, at middle blockers Jeanette Panaga at Ced Domingo na nakakakuha rin ng malalaking puntos para sa Creamline.
Magpapatuloy ang aksyon bukas sa The Arena sa San Juan City kung saan maghaharap ang Philippine Army at Cignal sa alas-2:30 ng hapon kasunod ang Choco Mucho at Akari sa alas-5:30 ng hapon.