MANILA, Philippines — Matinding depensa ang ibinigay ng Chery Tiggo sa Choco Mucho sa dulo ng fourth set para angkinin ang 29-27, 18-25, 25-16, 25-20 panalo sa 2022 PVL Reinforced Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Humataw si Mylene Paat ng 25 points mula sa kanyang 21 attacks, 2 blocks at 2 aces para igiya ang Crossovers sa ikaapat na sunod na arangkada at solohin ang liderato.
“Lahat talaga nagsisipag,” ani Paat. “Lagi kong sinasabi sa mga teammates ko na kailangan naming sipagan. Gusto naming manalo kaya dapat naming sipagan.”
Ang panalo ang naglapit sa kanila sa isang semifinals seat
Nalasap naman ng Flying Titans ang kanilang ikalawang kabiguan sa apat na laban.
Nagdagdag si EJ Laure ng 15 hits, habang may 10 markers si Montenegrin import Jelena Cvijovic para sa Chery Tiggo na naisuko sa Choco Mucho ang second frame bago muling napasakamay ang 2-1 bentahe sa laro.
Sa fourth set ay nagkaroon ng cramps si Paat, kaya sumaklolo sina Laure, Cza Carandang at Dindin Manabat para tuluyan nang selyuhan ng Crossovers ang kanilang panalo.
Binanderahan ni import Odina Aliyeva ang Flying Titans sa kanyang 21 points.
Sa fourth frame ay nagtala ang Chery Tiggo ng 15 attacks kumpara sa 10 ng Choco Mucho, habang mayroon silang tatlong blocks bilang pagpapakita ng depensa.