Dragons sinunog ang Dyip

Iniwasan ni Bay Area import Andrew Nicholson ang pag-ipit sa kanya nina import Lester Prosper at Andreas Cahilig ng Terrafirma.
Russell Palma

MANILA, Philippines — Patuloy na sinolo ng guest team na Bay Area ang No. 2 spot matapos ang 130-76 pagmasaker sa kulelat na Terrafirma sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Humakot si Canadian import Andrew Nicholson ng 37 points at 10 rebounds para sa ikalawang sunod na ratsada ng Dragons at 6-1 record matapos yumukod sa Ginebra Gin Kings noong Oktubre 9.

Ang 54-point win ng guest squad ang second largest sa PBA history matapos ang 55-point victory (154-99) ng UTex sa Great Taste noong Hulyo 12, 1980.

“This team, although they are at the bottom, they have been dangerous,” sabi ni coach Brian Goorjian sa koponan ni mentor Johnedel Cardel.

Nalaglag ang Dyip sa kanilang ikaanim na dikit na kabiguan at pang-22 sa kabuuan simula noong 2021 PBA Governor’s Cup.

Umiskor ang 6-foot-10 na si Nicholson ng 31 points para sa Bay Area sa first half na higit pa sa 29 markers ng Terrafirma.

Itinala ng Dragons ang 36-point lead, 65-29, mula sa drive ni Glen Yang sa huling dalawang minuto ng second quarter patungo sa 67-37 halftime lead.

Lalo pang naiwanan ang Dyip sa third period, 62-101, hanggang mabaon sa 54-point deficit, 128-74 mula sa three-point play ni Zhang Zhiyuan kay Joseph Gabayni sa huling 2:35 minuto ng final canto

Pinamunuan ni Juami Tiongson ang Terrafirma sa kanyang 21 points kasunod ang 18 markers ni import Lester Prosper.

Sa ikalawang laro, inangkin ng Converge (3-2) ang 106-102 panalo laban sa San Miguel (1-3) tampok ang 24 points, 16 rebounds at 9 blocks ni import Quincy Miller.

Ito ang ikalawang su­­nod na arangkada ng FiberXers na nakahugot kay Aljon Melecio ng 18 markers, habang may 13, 12 at 10 points sina Jeron Teng, Mike DiGregorio at Maverick Ahanmisi, ayon sa pagkakasunod.

 

Show comments