MANILA, Philippines — Reresbak ang reigning champion Colegio de San Juan de Letran sa Arellano University sa oras na muling magkrus ang kanilang landas sa pagpapatuloy ng NCAA Season 98 men’s basketball tournament ngayong araw sa The Arena sa San Juan City.
Sisikad ang bakbakan ng Knights at Chiefs sa alas-3 ng hapon matapos ang duwelo ng Jose Rizal University at San Sebastian College-Recoletos sa alas-12 ng tanghali.
Nais ng Letran na makabawi sa Arellano matapos lasapin ang 68-72 kabiguan sa Chiefs sa first round noong Setyembre 18.
Kasalukuyang nasa No. 4 ang Letran bitbit ang 7-3 marka sa ilalim ng na-ngungunang CSB na may 8-2 baraha at Lyceum na may 8-3 kartada. Nasa No. 3 naman ang JRU tangan ang 5-2 marka.
Kaya naman nais ng Knights na mapatatag ang kapit nito sa top 4 upang mapalakas ang tsansang makapasok sa semis.
Alam ni Letran head coach Bonnie Tan na mas matinding laban ang haharapin ng kanyang tropa sa second round kaya’t wala nang puwang ang anumang uri ng pagkakamali.
“We’re expecting lahat ng teams sa second round, lahat naghahabol ng panalo. Talagang when they play parang wala ng bukas eh. So ‘yun ang in-anticipate namin lalo na sa lahat,” ani Tan.
Sariwa pa ang Knights sa 74-59 demolisyon sa University of Perpetual Help System Dalta noong Martes kung saan bumida si Brent Paraiso na may 16 puntos kasama si Mark Sangalang na nagtala ng double-double na 10 points at 10 rebounds.
“Wala ng baby-baby ngayon, second round na. Di na kailangan mag-adjust, adjust. Kumbaga go hard na, finish strong, and yun yung mindset na in-impart sa mga players namin,” dagdag ni Tan.
Sa kabilang banda, naghahabol din ang Arellano na makalikom ng panalo para mas mapaganda ang kanilang puwesto sa standings.
Nasa ikaanim ang Chiefs hawak ang 4-5 baraha.
Galing ito sa dalawang sunod na kabiguan.