Jalalon PBAPC Player of the Week

Naunahan ni Magnolia guard Jio Jalalon si Robert Bolick ng NorthPort para sa kanyang layup.

MANILA, Philippines — Katulad ng kanyang kalibre sa depensa ay hinablot ni Jio Jalalon ang Cignal Play-PBA Press Corps Player of the Week matapos trangkuhan ang 5-0 kampanya ng Magnolia sa 2022-2023 PBA Commissioner’s Cup.

Solidong performance ang ipinamalas ni Jalalon sa inilistang mga averages na 14.0 points, 7.5 assists at 3.5 rebounds sa panalo ng Magnolia kontra sa NLEX at Northport.

Sahog pa rito ang 5.0 steals sa dalawang laro upang maging unanimous choice ng PBA Press Corps bilang Player of the Week.

Unang umariba ng 18 markers, 5 rebounds, 8 assists at 6 steals si Jalalon sa 111-97 panalo nila kontra sa Road Warriors.

Laban sa Batang Pier ay kumamada siya ng 10 points, 2 rebounds, 7 assists at 4 steals kabilang na ang buzzer-beater na tres sa third quarter tungo sa 109-91 tagumpay ng Hotshots.

Bukod pa rito ang depensa niya sa mga top guards na sina Kevin Alas ng NLEX at Robert Bolick ng Northport.

Dahil kay Jalalon ay wala pa ring galos ang Magnolia sa import-flavored PBA conference sa hawak na 5-0 kartada upang lumapit sa hangaring twice-to-beat advantage sa playoffs.

Dinaig ng dating Arellano U standout sina Maverick Ahanmisi ng Converge at Tyler Tio ng Phoenix para sa lingguhang parangal na iginagawad ng grupong regular na sumusubaybay sa PBA beat.

Show comments