MANILA, Philippines — Nasiguro ng University of Santo Tomas ang tiket sa next round matapos igupo ang Emilio Aguinaldo College, 25-13, 25-19, 25-15, kahapon sa Shakey’s Super League Collegiate Pre-season Championship sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Nanatiling malinis ang rekord ng UST para pagti-bayin ang hawak sa liderato sa Pool B tangan ang imakuladang 3-0 kartada
“I’m happy the team executed well in this game. I just want to see more consistency in our second unit as we head into the next round,” ani Tigresses head coach Kungfu Reyes.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Tigresses nang ilatag nito ang pinakamalakas na puwersa para mabilis na dispatsahin ang Lady Generals.
Nanguna sa ratsada ng UST si Angeli Abella na nagpako ng 19 puntos habang naglista naman si Bianca Plaza ng walong puntos at pito naman galing kay Xyza Gula.
Tuluyan nang nasibak ang EAC na wala pa ring panalo sa tatlong laro.
Pormal namang nagmartsa sa second round ang reigning UAAP champion National University at Ateneo de Manila University matapos walisin ang kanilang mga karibal sa Pool B.
Inilampaso ng Lady Bulldogs ang dating NCAA champion Arellano University, 25-9, 25-17, 25-14, habang nanaig naman ang Lady Eagles sa Jose Rizal University, 25-20, 25-16, 25-10.