Gin kings itatagay ang ika-3 dikit na panalo
MANILA, Philippines — Hindi naitago ni Barangay Ginebra coach Tim Cone ang pananabik sa binubuo niyang tandem nina Jamie Malonzo at Jeremiah Gray.
Nakita ito ni Cone sa 111-93 pagbugbog ng Gin Kings sa guest team na Bay Area Dragons noong Linggo para sa kanilang ikalawang sunod na ratsada sa 2022 PBA Commissioner’s Cup.
“Jamie and Jeremiah, they have a lot of athleticism to what we do and I think they’re gonna be real fun for games as we go forward,” ani Cone kina Malonzo at Gray.
Lalabanan ng Ginebra (2-1) ang Phoenix (1-3) ngayong alas-5:45 ng hapon matapos ang bakbakan ng Blackwater (2-3) at Terrafirma (0-4) sa alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Malonzo at Gray ang muling aasahan ng Gin Kings kasama sina resident import Justin Brownlee, Scottie Thompson, Stanley Pringle, Japeth Aguilar at Christian Standhardinger.
“They’re still learning about us, they’re still learning about their teammates, they’re still learning about them so we expect them to get better,” sabi ni Cone kina Malonzo at Gray.
Tinapos naman ng Fuel Masters ang kanilang tatlong dikit na kamalasan matapos kunin ang 111-97 panalo sa NLEX Road Warriors (2-2) kung saan tumipa si import Kaleb Wesson ng 22 points at 21 rebounds.
Sa unang laro, hangad ng Dyip na tapusin ang kanilang 20-game losing slump sa pagharap sa Bossing.
“Sinasabi ko lagi sa kanila na hanggang may games buhay pa kami, na may pag-asa pa,” ani coach Johnedel Cardel sa kanyang Terrafirma team.
- Latest