MANILA, Philippines — Matapos ang dalawang magkasunod na kampanya sa 5-on-5 ay sa halfcourt naman sasalang ang Gilas Pilipinas women’s team ni head coach at director Pat Aquino.
Sasabak ang mga Pinay ballers sa 2022 FIBA 3x3 U17 Asia Cup sa Malaysia simula bukas at kailangang makalusot sa qualifying draw upang umabante sa main competition.
Babanderahan nina Camille Nolasco ng Miriam College at BJ Villarin ng National U ang koponan matapos maging miyembro ng Gilas U18 team na naglaro sa FIBA U18 Women’s Asian Championships Division B sa India noong nakaraang buwan.
Kukumpleto sa koponan ang isa pang NU standout na si Nicole Pring kasama si Arianna Delos Santos ng Adamson.
Hangad ng Gilas girls ang kampeonato matapos ang back-to-back podium finish sa FIBA U18 at sa FIBA U16 tournament sa Jordan noong Agosto.
Parehong winalis ng Gilas teams ang group stages ng U18 at U16 tournaments subalit kinapos sa semifinals na dumiskaril sa kanilang pagpasok sa prestihiyosong Division A.
Sa kabutihang palad ay wagi pa rin ang dalawang national teams para sa bronze medal sa parehong divisions na nais nilang gawing ginto sa FIBA U17 3x3 Asia Cup.