Bolts inilatay ang ika-20 dikit na kamalasan ng Dyip

Inatake ni Meralco import Johnny O’Bryant si Lester Prosper ng Terrafirma.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Humakot si import Johnny O’Bryant ng 31 points at 11 rebounds pa­ra akayin ang Meralco sa 105-92 paggiba sa Ter­rafirma sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Co­liseum.

Ito ang unang panalo ng Bolts matapos ang 0-2 panimula.

Nahulog naman ang Dyip sa ikaapat na sunod na kamalasan para sa 20-game losing slump simula noong 2021 PBA Governor’s Cup.

Nagdagdag si Allein Ma­liksi ng 18 markers at may tig-17 points sina Aaron Black at Bong Quinto para sa Meralco na hinawakan ni assistant coach Luigi Trillo dahil sa pagkakalagay ni coach Norman Black sa PBA health and safety pro­tocols.

“When the ball was moving and there was a bit more flow, I think we were able to operate on the offense. We shared the ball,” ani Trillo.

Humakot si import Les­­ter Prosper ng 35 points, 18 rebounds at 3 blocks sa panig ng Terra­firma.

Nagtuwang sina O’Bryant, Maliksi at Quinto sa paghuhulog ng 17-6 bomba sa fourth quarter para sa 96-82 bentahe ng Bolts.

Hindi na ito napaliit ng Dyip na nakahugot ng tig-11 points kina Juami Tiongson, Javi Gomez de Liaño at Eric Camson.

Sa ikalawang laro, inilista ng guest team na Bay Area Dragons ang 4-0 re­­­cord matapos ang 106-100 panalo sa Converge.

Nagpasabog si import Myles Powell ng 33 points kasama ang da­lawang free throws sa huling 11 segundo.

Show comments