Bolts inilatay ang ika-20 dikit na kamalasan ng Dyip
MANILA, Philippines — Humakot si import Johnny O’Bryant ng 31 points at 11 rebounds para akayin ang Meralco sa 105-92 paggiba sa Terrafirma sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang unang panalo ng Bolts matapos ang 0-2 panimula.
Nahulog naman ang Dyip sa ikaapat na sunod na kamalasan para sa 20-game losing slump simula noong 2021 PBA Governor’s Cup.
Nagdagdag si Allein Maliksi ng 18 markers at may tig-17 points sina Aaron Black at Bong Quinto para sa Meralco na hinawakan ni assistant coach Luigi Trillo dahil sa pagkakalagay ni coach Norman Black sa PBA health and safety protocols.
“When the ball was moving and there was a bit more flow, I think we were able to operate on the offense. We shared the ball,” ani Trillo.
Humakot si import Lester Prosper ng 35 points, 18 rebounds at 3 blocks sa panig ng Terrafirma.
Nagtuwang sina O’Bryant, Maliksi at Quinto sa paghuhulog ng 17-6 bomba sa fourth quarter para sa 96-82 bentahe ng Bolts.
Hindi na ito napaliit ng Dyip na nakahugot ng tig-11 points kina Juami Tiongson, Javi Gomez de Liaño at Eric Camson.
Sa ikalawang laro, inilista ng guest team na Bay Area Dragons ang 4-0 record matapos ang 106-100 panalo sa Converge.
Nagpasabog si import Myles Powell ng 33 points kasama ang dalawang free throws sa huling 11 segundo.
- Latest