MANILA, Philippines — Bumalik sa porma ang Rain or Shine sa third period patungo sa 106-94 paggiba sa minamalas na Terrafirma sa 2022 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Ito ang ikalawang sunod na panalo ng Elasto Painters para sa kanilang 2-1 record at inihulog ang Dyip sa pang-19 dikit na kabiguan simula noong 2021 PBA Governors Cup.
Humakot si import Steve Taylor Jr. ng 20 points, 24 rebounds, 3 assists, 3 blocks at 2 steals habang may 17 at tig-12 markers sina Gian Mamuyac, Beau Belga at Andrei Caracut, ayon sa pagkakasunod.
“We try to pick up from our last game,” ani Rain or Shine coach Yeng Guiao sa 93-71 pagdaig nila sa Barangay Ginebra noong Setyembre 28.
May 20 points, 16 boards at 3 assists si import Lester Prosper sa ikatlong dikit na pagkatalo ng Terrafirma at nag-ambag sina Juami Tiongson, Alex Cabagnot at Joshua Munzon ng 17, 14 at 11 markers, ayon sa pagkakasunod.
Bumida si Mamuyac sa fourth period kung saan niya itinaas ang Elasto Painters sa 91-75 sa 7:04 minuto bago isinalpak ni Gabe Norwood ang isang triple na nagbaon sa Terrafirma sa 94-77 sa huling 5:59 minuto.
Nauna nang nakabangon ang Dyip mula sa 18-28 pagkakaiwan sa first quarter para agawin ang 47-46 bentahe sa huling 1:36 minuto bago ang halftime.
Ang split ni Mike Nieto ang nagbigay sa Rain or Shine sa 104-86 kalamangan sa natitirang 1:17 minuto ng laro para tuluyan nang selyuhan ang kanilang panalo.