MANILA, Philippines — Walang iba kundi ang inaasam na Grandmaster (GM) title ang nasa isipan ni International Master (IM) Angelo Young.
At nais ni Young na maisakatuparan ito bago matapos ang taong ito.
“Yung Grandmaster title, yan ang ultimate dream naming mga players. Hindi pa huli ang lahat at kung papalarin ngayong taon, makukuha natin ang GM title bilang oldest player na makakuha ng GM,” ani Young kahapon sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) kahapon sa Behrouz Restaurant sa Timog, Quezon City.
Para maisakatuparan ito, kailangan ni Young na lumahok sa malalaking torneo upang makalikom ng puntos.
Lalahukan ni Young ang 2022 Asian Senior sa New Zealand sa Oktubre.
Nakakuha ng tiket si Young sa Asian Senior matapos pagharian ang 11th Datu Arthur Tan Seniors Chess Championship kamakailan sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“This is the start of my European Tour Circuit para makuha yung GM title. Pag naipanalo ko yung mga tournament na sasalihan ko, awtomatic makukuha ko yung GM title,” ani Young.
Sasalihan din ni Young ang World Senior Championship sa November 14-27 sa Assisi, Italy; 33ste Open van Leuven sa November 10-13 sa Leuven, Belgium; The Grand Memorial Rene Vannerom sa December 2-3 sa Brussels, Belgium; IX Sunway Sitges International Chess Festival sa December 11-22 sa Sitges, Barcelona, Spain at Basel Christmas Chess Festival sa December 26 -30 sa Basel, Switzerland.