MANILA, Philippines — Tumabo sa takilya ang katatapos lang na 2022 PBA Philippine Cup Finals tampok ang kampeon na San Miguel at TNT Tropang Giga.
Parehong blockbuster sa TV at sa gate attendance ang finals na umabot sa Game 7 sa Smart Araneta Coliseum.
Tinatayang 7 milyon (6.9M) ang nanood ng Game 7 sa free-to-air channels ng TV5 at One Sports, habang umabot sa halos 7 porsyento (6.85%) ang ratings ng parehong channels.
Ang 6.85% na TV rating ang ikaanim sa top-ranked program noong Linggo sa lahat ng networks at channels sa bansa.
Hindi pa rito kasama ang social media views sa Smart Giga Play at SMART Sports Facebook page pati na ang sa cable channel na PBA Rush.
Sa Big Dome ay umabot din sa 15, 195 na fans ang nanood ng live upang saksihan ang koronasyon ng Beermen sa unang pagkakataon simula 2019.
Dating five-time All-Filipino champion, nabawi ng SMB ang korona mula sa TNT matapos ang 119-97 panalo sa Game 7.
Ito ang ika-10 Philippine Cup trophy ng SMB at ika-28 sa kabuuan upang manatiling winningest franchise sa unang professional basketball league sa Asya.
Tinanghal na Finals MVP si June Mar Fajardo sa likod ng rehistrong 19.0 points, 16.6 rebounds, 2.7 assists at 1.1 blocks para sa kanyang ikaapat na parangal sa finals bukod pa ang league-best na 6 Season MVP plums at 9 Best Player of the Conference awards.
Nasa break ang SMB at TNT bago bumalik sa ensayo para sa pagbubukas ng 2022 Commissioner’s Cup sa Setyembre 21.
Kinuha ng Beermen si NBA veteran Thomas Robinson na naglaro para sa Sacramento Kings, Houston Rockets, Portland Trail Blazers, Philadelphia 76ers, Brooklyn Nets at Los Angeles Lakers.
Ipaparada naman ng Tropang Giga si Cameron Oliver na dating isinuot ang uniporme ng Rockets at Hawks.
Kakatawanin din ng Beermen at Tropang Giga ang PBA para sa pagbubukas ng Season 1 ng East Asia Super League sa Oktubre tampok ang mga pambato ng Japan, South Korea, Taiwan at Greater China.