NCAA season 98 kasado na sa September 10
MANILA, Philippines — Aarangkada na ang pinakamatitikas na collegiate stars sa bansa sa pagsambulat ng NCAA Season 98 men’s basketball tournament sa Sabado sa Smart Araneta Coliseum.
Isang simpleng opening ceremonies ang inihahanda sa alas-11 ng umaga para sa muling pagbubukas ng pinakamatandang liga sa bansa.
Matapos nito, masisilayan ang dalawang laro tampok ang bakbakan ng Emilio Aguinaldo College at Arellano University sa alas-3:30 ng hapon.
Hahataw din ang duwelo ng San Beda University at Mapua University sa alas-6 ng gabi.
Wala sa opening day ang reigning champion Colegio de San Juan de Letran matapos magpositibo ang apat na players nito sa coronavirus disease(COVID-19).
Bilang pag-iingat, agad na ipinasok ang buong team sa quarantine dahil close contact ang iba pang miyembro nito.
Nais ng tropa na agad na maagapan ang virus lalo pa’t magsisimula na ang season na ilang huwan ding pinaghandaan ng Knights.
Original sanang makakaharap ng Letran ang season host Emilio Aguinaldo sa opening.
Subalit nagpasya ang NCAA Management Committee na palitan ang schedule.
Kung magiging maayos na ang lahat at magnegatibo na ang mga players nito, maaaring simulan ng Letran ang pagdepensa sa titulo sa Setyembre 14 laban sa Jose Rizal University.
Inilipat ang laban ng Letran at Emilio Aguinaldo sa Oktubre 11 — ang huling araw ng eliminasyon.
Magiging mahirap ang title defense ng Knights dahil nabangasan ito ng lineup.
Nawala sa lineup sina Rookie-MVP Rhenz Abando na nagpasyang maglaro na sa professional league sa South Korea.
Wala na rin si Jeo Ambohot na nahugot ng Converge sa PBA Annual Rookie Draft.
“Lahat ng teams malakas at lumaki,” ani Letran head coach Bonnie Tan.
Tinukoy nito ang San Beda, Mapua, College of Saint Benilde at San Sebastian College-Recoletos sa mga magiging tinik sa kanila g kampanya.
“Nandiyan pa rin ang San Beda, Mapua, CSB and Baste (San Sebastian),” ani Tan.
- Latest