MANILA, Philippines — Nangako ng mas magilas na performance sina Chris Newsome, Jamie Malonzo at Roosevelt Adams para sa Gilas Pilipinas kung sakaling mabigyan ulit ng pagkakataon sa fifth window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifiers sa Nobyembre.
Bago ang katatapos lang na fourth window ay na-clear ng FIBA ang tatlong Fil-Ams na makapaglaro bilang locals kaya naisuot ang Gilas jersey kontra sa Lebanon at Saudi Arabia.
Bagama’t nauna nang naglaro si Newsome ng Meralco sa 30th Southeast Asian Games 3x3 basketball, ito ang unang salang niya sa 5-on-5 habang Philippine team debuts ang nasabakan nina Malonzo ng NorthPort at ang PBA free agent na si Roosevelt Adams mula sa Terrafirma.
“I’m excited to hopefully make the next window and keep it going from there and keep getting better every single tournament,” ani Newsome na ginabayan ang Gilas sa gold medal noong 2019 SEA Games sa Pilipinas.
Ito rin ang pangako nina Malonzo at Adams lalo’t nasa simulang bahagi pa lang sila ng professional playing career at kung mapagbibigyan ay sa Gilas career buhat ngayon.
“Honestly, I’m very excited. You can definitely feel the atmosphere when you’re wearing the blue and the gold and the red so it’s definitely something I look forward to,” ani Malonzo.
Wala pang roster ang Gilas, may 3-3 kartada sa Group E, para sa fifth window sa Nobyembre 11-14 kontra sa Jordan at Saudi Arabia.